MANILA, Philippines — Winasak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mahigit 500 toneladang barya sa nakalipas na dalawang buwan.
Nagsagawa ng coin defacement ang BSP sa mga baryang tinuturing na unfit, demonetized, mutilated at counterfeit (UDMC) noong Setyembre at Oktubre 2022 upang mapanatili ang integridad ng Philippine currency.
Ayon sa pahayag ng central bank na umabot sa 519.93 tonelada ng UDMC ang niretiro sa nasabing panahon.
Tinatayang 364 tonelada ang tinuturing na ‘unfit,’ 128 tonelada naman ang ‘mutilated’ o sira, 21 tonelada naman ang peke at 7 tonelada ang demonetized o wala nang halaga.
Ang coin defacement ay ginagawa sa pamamagitan ng paggamit ng makina para mabago ang harapan ng barya upang hindi na ito maibalik sa sirkulasyon.
Ang mga defaced coin ay maaaring i-recycle depende sa sangkap nito.
“To reinforce its continuing efforts to maintain and protect the integrity of Philippine currency, the BSP is also seeking the enactment of a law defining and penalizing the excessive and unnecessary hoarding of coins,” hirit ng BSP.
Patuloy ang panawagan ng BSP sa mga konsyumer na paikutin sa merkado ang mga barya na ikinukonsidera pa ring legal tender at gamitin sa pagbabayad.
Huwag ipunin ito dahil sa maaaring mawalan ito ng halaga pagtagal ng panahon.