MANILA, Philippines — Dodoble pa ang inaasahan na isang milyong bibista sa Manila North Cemetery ngayong Nobyembre 1 (All Saint’s Day) dahil sa pagsasara ng sementeryo nitong Sabado at Linggo dulot ng bagyong Paeng.
Ayon kay MNC Director Roselle Castañeda na ang isang milyong tantiya nila ay tulad ng dami ng bumisita noong 2019 bago ang pandemya at dahil sa dami ng hindi nakapunta ng sementeryo nitong Sabado at Linggo dahil sa bagyo ay inaasahan na lalo pa itong dadami lalo na kung magtutuluy-tuloy ang masamang panahon hanggang Lunes.
Maraming mga bibisita, lalo na ang galing pa sa mga probinsya ang nagpahayag ng pagkadismaya nang abutan nilang sarado ang gate ng MNC nitong Sabado at pagbawalan silang makapasok para maagang mabisita ang kanilang namayapang kaanak.
Inireklamo nila ang huling anunsyo ng pamunuan ng MNC sa pagsasara habang ang iba ay wala talagang alam na isasara ito.