State of calamity sa buong bansa, inirekomenda ng NDRRMC

Mabilis na rumesponde ang mga rescuers ng Phi­lippine Coast Guard para ilikas ang mga residente na nalubog sa tubig-baha dulot ng matinding pag-uulan na dala ng bagyong Paeng sa Hilongos, Leyte nitong Sabado.
AFP/PCG

Dahil sa lawak ng pinsala ni ‘Paeng’

MANILA, Philippines — Inirekomenda kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na isailalim sa “state of cala­mity” ang buong bansa sa loob ng isang taon dulot ng delubyo ng bagyong Paeng.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Raymundo Ferrer, 16 sa 17 rehiyon sa bansa ay iklina­klasipika bilang “high risk” dahil sa bagyo na nagdulot ng matinding flash floods at landslides.

“The Philippines should declare a national state of calamity due to the effects, damage and projected impacts by Severe Tropical Storm Paeng for a period of one year, unless earlier lifted,” ayon sa rekomendasyon ni Ferrer kay PBBM sa isang virtual meeting .

Inirekomenda rin ni Ferrer na dapat tumanggap ng tulong ang bansa mula sa international community, base sa pangangailangan.

Sa panig naman ng punong ehekutibo, sinabi nito na hihintayin niya muna ang opisyal na resolusyon na isusumite ng NDRRMC bago aprubahan ang pagdedeklara ng state of calamity.

Inihayag ni PBBM na maraming mga rehiyon ang apektado ng hagupit ng bagyong Paeng kaya ito ang nagbibigay katwiran sa pagdedeklara ng state of calamity.

Nitong Sabado ng hapon ay binago ng NDRRMC ang una nitong iniulat na 72 death toll sa bagyong Paeng na ni­linaw na 45 katao lamang ang nasawi. Ang bagyong Paeng ay nakaapekto sa 271,259 katao o kabuuang 72,000 pamilya sa nasa sampung rehiyon sa bansa, ayon pa sa data sa website ng NDRRMC. Nasa 37 landslides din ang naitala habang 219 namang mga lugar ang dumanas ng malawakang pagbaha.

Show comments