MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine Statistics Authority na ang mga sakit sa puso, cerebrovascular disease at cancer ang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa sa unang 7 buwan ngayong taon.
Mula Enero hanggang Hulyo 2022, nakapagtala ang bansa ng 311,921 na pagkamatay sa heart diseases. Ito naman ay 31 porsiyentong mas mababa kaysa sa 452,228 na nasawi noong nakaraang taon.
Sa loob ng 7-buwang panahon, ang ischemic heart disease ang nangungunang sanhi ng pagkamatay na may 57,899 na kaso. Ito ay kumakatawan sa 18.6 porsyento ng kabuuang pagkamatay sa bansa.
Ang mga cerebrovascular disease, na kinabibilangan ng stroke at aneurysms ay pumangalawa na may 32,354 na pagkamatay (10.4 porsyento).
Ang mga neoplasma, na karaniwang kilala bilang cancer ay umabot sa 31,487 na naitalang kaso (10.1 porsyento).
Ang mga pagkamatay dahil sa diabetes mellitus ay nagtala ng 20,107 kaso (6.4 porsiyento) na ginawa itong ikaapat na nangungunang sanhi ng kamatayan.
Ikalimang ranggo ang hypertensive disease na nakapagtala ng 17,999 kaso (5.8 porsyento).