MANILA, Philippines — Lusot na sa panel ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong ideklarang tourist spot ang Baclaran Church at pitong iba pang mga dinarayong lugar sa bansa.
Ang 73 member ng House Committee on Tourism sa pamumuno ni Rep. Eleandro Jesus Madrona ay inendorso na sa debate sa plenaryo ang inaprubahang 8 magkakahiwalay na panukalang batas para ideklara ang Baclaran Church at pito pang spots bilang mga bagong destinasyon ng mga turista.
Tinukoy naman ni 4th District Quezon City Rep. Marvin Rillo, Vice Chairperson ng komite na ang mga idedeklarang bagong atraksyon sa mga turista ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
Ang bisinidad ng Baclaran Church na kilala rin bilang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help na matatagpuan sa Roxas Boulevard sa lungsod ng Parañaque City na nasa ilalim ng House Bill (HB) No. 5168 ng solon.
Ang iba pa ay ang Mount Arayat sa kahabaan ng mga munisipalidad ng Arayat at Magalang sa Pampanga na nasa ilalim ng HB No. 5169; Luzon Datum Brgy. Hinanggayon, Mogpog, Marinduque ng HB 5170; HB 5171 o ang Cebu Safari and Adventure Park, Brgy. Corte, Carmen Cebu.
Gayundin ang HB 5173 o ang Guinsaugon Eco-Adventure Park sa Brgy. Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte; HB 5167 o ang Tugonan Waterfalls, Brgy. San Lorenzo, Prosperidad, Agusan del Sur; HB 5172 o ang Dao Heritage Tree sa Brgy. Cugman, Cagayan de Oro City at HB 5174 o ang Passig Islet sa Brgy. Bato, sa bayan ng Sta. Cruz sa Davao del Sur.