Walang problema sa lifestyle check — Bantag
MANILA, Philippines — “Walang problema ‘yun, kung ‘yun po ang hinihingi eh di ‘yun po ang ibibigay natin.”
Ito ang sagot ng suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag na handang sumailalim sa lifestyle check kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Bantag, bukas siya sa kahit na anong imbestigasyon at imbitasyon hangga’t makakatulong sa paglutas sa kaso ni Lapid.
Sinuspinde si Bantag dahil sa pagkamatay ng inmate na si Jun Villamor sa New Bilibid Prison na tinukoy ng gunman na si Joel Escorial na middleman sa pagpatay kay Lapid.
Kabilang din si Bantag sa 160 ‘persons of interest’ ng PNP sa pagpatay sa broadcaster na ilan din dito ay mga politiko.
Sinabi ni Bantag na alam niyang darating ang ganitong scenario dahil ang kalaban niya ay mga drug lords at sindikato.
Sa katunayan, minsan nang binanggit sa kanya ni dating pangulong Duterte na naghahari na ang narco politiics sa bansa.
Matatandaan na isa si Bantag sa nakatanggap ng kritismo ng napatay na commentator na si Percy Lapid sa programa sa radyo, dahil sa kanyang kayamanan kasabay ng panunungkulan sa BuCor.
Itinanggi rin ni Bantag na nagmamay-ari siya ng maraming sasakyan at nakatira sa isang exclusive subdivision. Bagama’t hindi binanggit ni Lapid ang kanyang pangalan, alam ni Bantag na siya ang pinatutungkulan nito.
- Latest