Marcos ‘bloodless drug war’ epektibo
P6.7 bilyong droga nasabat…
MANILA, Philippines — Nagkaroon umano ngayon ng pagbabago sa pamamalakad ng gobyerno sa pagsugpo sa talamak na droga sa bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.
Ito ang inihayag ni DILG Secretary Benhur Abalos nang masamsam ang P6.7-B na shabu sa unang 3 buwan ng Marcos administrasyon na walang dumanak ng dugo.
Napatunayan nito na epektibo ang ginagawang bloodless drug war ni Pangulong Marcos dahil ang P6.7 bilyon halaga ng shabu ay tinuturing na pinakamalaking drug haul sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon kay Abalos, nagkaroon ng bagong approach sa drug war kung saan, itinuon nila ang pagsugpo sa mga malalaking sindikato ng ilegal na droga sa bansa at hindi sa mga pipitsugin lamang.
Matatandaan na kamakailan lamang ay nakakumpiska ang mga otoridad ng halos 990 kilograms ng hinihinalang shabu na may estimated value na mahigit P6.7 bilyon sa serye ng anti-drug operations sa Maynila.
Dito naaresto ang mga suspek na sina Ney Saligumba Atadero, 50; at Police Master Sergeant Rodolfo Mayo, may-ari ng lending firm na Wealth and Personal Development Lending Inc. sa Sta. Cruz, Maynila kung saan nasamsam ang bultu-bultong droga.
Naaresto rin si Juden Francisco at 7 pa sa Pasig City.
Maging sa unang buwan ng administrasyong Marcos, nakapagtala ang PNP ng kabuuang P1.95 bilyon halaga ng illegal drugs na kanilang nasamsam. Kabilang na rito ang 202.38 kilo ng shabu; 365.4 kilo ng dried marijuana leaves; mahigit 2.6 milyong piraso ng fully grown marijuana plants, at 37.57 gramo ng kush o high-grade marijuana.
May kabuuang 12,309 sting at search warrant operations na nagresulta ng pag-aresto sa 14,737 suspects.
Sakop nito ang unang 17 araw ng Setyembre kung saan naitala ng PNP ang zero deaths sa pagsasagawa ng 1,790 na operasyon.
“Arrests were made, but nobody was hurt in this classic, by-the-book police operation,” wika ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. ukol sa operasyon.
Ipinangako ni Abalos na ipagpapatuloy ng administrasyon ang drug war ngunit sa ibang paraan at walang dadanak na dugo na sesentro sa paghuli sa mga big fish na drug dealers.
- Latest