MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Calabarzon ang isang estudyante matapos ibugaw ang kanyang 12 mag-aaral sa Balayan, Batangas.
Hindi na nakapalag ang suspek na si alyas “Mae” 18, nang posasan ng mga taga-NBI sa isinagawang entrapment operation sa isang beach resort nitong Biyernes.
Ayon kay NBI-Calabarzon Regional Director Glenn Ricarte, modus ng suspek na ibugaw ang kanyang mga kaklase sa online class sa pamamagitan ng dalawang dummy social media account.
Ipinapadala umano ng suspek ang mga larawan ng kaklase sa mga target na foreigner na mga turista sa Batangas.
Sa sandaling nagkasundo ang kliyente, isang beach resort sa Batangas ang kanilang tagpuan na kung maging local tourist ay kliyente ng suspek.
Katwiran ng suspek, nagawa lang niyang ibugaw ang mga kaklase dahil sa matinding pangangailangan upang makatapos ng senior high school.
Nasagip ng NBI ang 12 kaklase at kaibigan ng suspek, na kinabibilangan ng mga menor de edad.
Nasa kustodiya ng NBI ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act in relation to the Cybercrime Prevention Act.