Crackdown ipatupad sa NBP vs illegal activities
MANILA, Philippines — “Ipatupad ang crackdown laban sa lahat ng mga illegal na aktibidades na isinasagawa ng mga drug convicts sa New Bilibid Prisons (NBP).”
Ito ang hiling ni 2nd District Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa gitna na rin ng mga report sa pagkakasangkot ng mga drug convicts sa NBP na sa kabila ng nakakulong ay nagagawa pa ring makapagtulak ng droga gamit ang kanilang mga koneksyon sa labas.
Bukod dito ang iba ay may kinalaman rin sa iba pang uri ng kriminalidad.
Inihayag ni Rodriguez na ang ikinanta ng self-confessed gunman ni DWBL 1242 broadcaster Percival Mabasa o Percy Lapid ay patunay lamang na sangkot sa illegal na aktibidad ang mga drug convicts.
Gayunman ang sinasabing middleman na nakapiit sa NBP na umano’y nag-utos na paslangin si Lapid ay misteryosong namatay ilang oras naman matapos sumurender ang gunman na si Joel Escorial.
Si Lapid ay pinaulanan ng bala ng mga armadong salarin sa gate ng BF Homes Subdivision sa Talon Dos, Las Piñas City sa ambush-slay noong nakalipas na Oktubre 3 ng gabi.
- Latest