Sunog sumiklab sa Quezon City: 6 magkakaanak, patay!
MANILA, Philippines — Patay ang anim na miyembro ng isang pamilya matapos na makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Ang mga biktima ay kinabibilangan ng isang 79-anyos na lalaki, isang lalaki na ‘di pa nakuha ang edad, isang 30-anyos na babae, at ang kanyang mga anak na nagkaka-edad lamang ng 12, 7 at dalawang taong gulang.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong ala-1:54 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng mga biktima sa Villa Corina Subdivision sa Brgy. Pasong Tamo.
Sinabi ng mga kapitbahay, sinubukan nilang sagipin ang mga biktima pero hindi nila napasok ang bahay dahil nakakandado ang pinto nito.
Ayon sa mga arson investigators, maaaring nagtangkang lumabas mula sa nasusunog nilang bahay ang mga biktima, base na rin sa lokasyon, kung saan natagpuan ang kanilang mga bangkay.
Anila, ang dalawa sa mga biktima ay nakita sa ground floor, dalawa ang nasa hagdanan na kinabibilangan ng ina at ang kanyang 2-anyos na anak, at habang ang dalawa pang menor-de-edad sa ikalawang palapag. Posible rin umanong na-suffocate ang mga biktima at nawalan ng malay kaya’t hindi na nakalabas at tuluyang natamaan ng mga debris mula sa nasusunog na tahanan.
Nabatid na umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula ito dakong alas-3:20 ng madaling araw.
Sa pagtaya ng BFP, aabot sa P1.5 milyon ang halaga ng mga ari-ariang napinsala ng sunog.
- Latest