MANILA, Philippines — Umapela kahapon ang Philippine National Police (PNP) sa gunman ng veteran broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang “Percy Lapid” na sumuko na hangga’t may panahon pa kung ayaw nitong mapagaya sa sinapit ng isang “gun-for-hire” na napatay sa engkuwentro sa Quezon City.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo, huwag nang hintayin na matulad ang mga responsable sa pananambang kay Mabasa, sa notoryus na gun-for-hire at drug dealer na si John Philip Rodriguez alyas “Mata”, na napaslang ng mga operatiba ng Quezon City Police District sa Brgy. Payatas, Quezon City dakong alas-5:40 ng hapon nitong Biyernes.
“Muli ang aking panawagan at pakiusap sa mga bumaril at pumatay kay Percival Mabasa o kilala sa tawag na ‘Percy Lapid’ na sumuko na habang may pagkakataon pa at huwag nang hintaying mangyari ito at mangtangkang lumaban sa mga awtoridad katulad ng sinapit ng isang member ng ‘Gun for Hire’ na ito,” ayon kay Estomo.
“Inuulit ko ang pakiusap ng ating DILG, Atty. Benjamin “Benhur” Abalos sa pamilya ng mga suspects na ito na boluntaryo nang isuko ang kanilang kamag-anak para sa kanilang kaligtasan,” dagdag pa ni Estomo.
Sa kasalukuyan nasa P1.5 milyon na ang reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng mga suspect.
Magugunita na noong Lunes ng gabi si Mabasa, 63-anyos, anchor ng Lapid Fire sa DWBL 1242 ay pinagbabaril ng mga ‘di kilalang suspek sa harapan ng gate sa BF Resort , Talon Dos, Las Piñas City.