Maynila bubuksan ang mga sementeryo sa Undas
MANILA, Philippines — Dahil rin sa pagluluwag ng health protocols, inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Maynila na kanilang bubuksan sa publiko ang kanilang sementeryo sa paggunita ng Undas o Pista ng mga Patay.
Sa kaniyang Facebook Live nitong Biyernes, sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na bubuksan sa publiko ang Manila North Cemetery na matatagpuan sa Sta. Cruz, Maynila at ang Manila South Cemetery na nasa bahagi ng Makati City subalit pag-aari ng lungsod ng Maynila, simula Oktubre 29, 30, 31 at Nobyembre 1 at 2, o ang mismong All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Maaari umanong makapasok simula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Gayunman, hindi naman papayagang makapasok sa sementeryo ang mga kabataan na may edad 12 pababa, mga indibidwal na ‘di bakunado at hindi pa fully vaccinated.
Kahit pa kabilang sa open spaces ang dalawang sementeryo, na sinasabing optional lamang ang pagsusuot ng face mask, hinikayat niya ang publiko na magsuot pa rin ng face mask.
“Kahit open space ang sementeryo, ine-encourage naming kayo kapag dadalaw lalo na sa October 29 to November 2 na magsuot ng face mask. Hindi natin masisiguro na magkakaroon ng physical distancing,” aniya.
Samantala, may hanggang Oktubre 25, 2022 na lamang ang pagkakataon para payagan ang mga maglilinis ng mga puntod at magpipintura.
May hanggtang Oktubre 28 naman ang pagpapahintulot na maglibing at mag-cremate, na muling papayagan sa Nob. 3,
Gayunman, ang mga namatay naman sa COVID-19 ay hindi kabilang sa pipigilang ma-cremate o magtutuloy-tuloy ang cremations kahit sa Undas.
- Latest