MANILA, Philippines — ‘On the right track’ si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamamalakad sa gobyerno matapos naman itong makakuha ng mataas na ratings sa katatapos na Pulse Asia survey.
Ito ang inihayag kahapon ni House Speaker Martin Romualdez bilang reaksyon sa nakuhang mataas na iskor sa pagpapatakbo ni PBBM sa gobyerno.
Sinabi ni Romualdez na masaya ang mga Pilipino sa naging pagtugon ng administrasyon ni Pangulong Marcos partikular na sa mapaminsalang super typhoon Karding sa nakuhang 78% approval rating sa Pulse Asia survey.
Nakakuha rin ang administrasyon ng 78% rating sa pagtugon at control measure sa COVID-19.
Inihayag ni Romualdez ang desisyon ng gobyerno na ipagpatuloy ang pagbubukas ng ekonomiya habang tinitiyak na mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19 ay nagpalakas sa kahandaan ng health care system na nagresulta sa mas marami pang aktibidad sa ekonomiya, maraming trabaho at pagtaas ng kita ng mga tao.
Ayon kay Romualdez, ang pagtaas ng inflation ay dahilan sa pagbulusok ng piso sa palitan nito sa dolyar, pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan at dahilan sa mga sagabal sa supply chain dulot ng COVID-19 at giyera ng Russia laban sa Ukraine.