MANILA, Philippines — Isang babaeng Chinese na dinukot kamakailan sa Angeles City, Pampanga ang nasagip ng pulisya sa isang convenience store sa Brgy. Alangilan, Batangas City.
Ayon kay Police Regional Office 4-A director Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang biktima ay tubong Shanghai, China at dinukot ng mga hindi pa kilalang Chinese nationals sa Angeles City noong Setyembre 17, 2022.
Ikinulong ang biktima sa loob ng 20 araw sa cage sa loob ng kuwarto ng residential house sa Nueva Villa Subd., Barangay Alangilan, Batangas City.
Nitong Huwebes ay nagawa nitong makatakas at nasagip ng mga tauhan ng Alangilan Police Community Precinct ng Batangas-PNP.
Nabatid na nagpasaklolo sa PNP-AKG ang nobyo ng biktima nang hindi na niya ito makontak.
Huling nakita ang biktima noong gabi ng Setyembre 16 sa Hammer Disco Light Club sa Barangay Balibago, Angeles City kasama ang isang kaibigan.
Setyembre 18 nang makatanggap ng tawag ang nobyo ng biktima at humihingi ng US$2 milyon o P116 milyon.
Ipinadala rin ng suspek sa nobyo ng biktima ang video clip na hinahataw ito ng baseball bat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na nagsagawa ng operations ang PNP hanggang sa makumpirma ang lokasyon ng biktima. Nakatakas naman ang suspek.
Inatasan naman ni CALABARZON Regional Director, Police Brigadier General Jose Melencio C Nartatez, Jr., ang Anti-Kidnapping Group 4A (AKG) at ang mga operatiba ng PRO-CALABARZON na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente. - Ed Amoroso, Arnell Ozaeta