MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police’s Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang 35-anyos na Mobile Legend player matapos ireklamo ng sexual exploitation ng ina ng 14-anyos na kanyang nakilala sa nasabing mobile game.
Kinilala ang suspek na si Estelito Piolino Gibaga Jr. na may in-game name (IGN) na “Steel Gibaga” na dinakip sa loob ng isang motel sa West Point St., E. Rodriguez, District III, Quezon City, alas-4:30 ng hapon.
Batay sa ulat, nagkakilala si Gibaga at ang biktima na Grade 9 student noong Agosto sa isang public chat ng ML.
Nagpatuloy ang usapan ng suspek at biktima hanggang sa mauwi sa umano’y “romantic relationship”.
Dito na rin nagsimula ang pagpapadala ng mga malalaswang larawan ng suspek sa biktima at inutusan ang biktima na magpadala rin ng kanyang mga hubad na larawan.
Setyembre 6 nang madiskubre ng ina ng biktima ang relasyon at inamin naman ng kanyang anak ang mga pinagagawa ng suspek.
Bunsod nito, isinagawa ang entrapment operation nang magkasundo ang suspek at biktima na magkita sa isang establisimyento sa Cubao.
Nang papasok sa isang hotel, dito na inaresto ang suspek. Nahaharap si Gibaga sa paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act), RA 9775 (Anti-Child Pornography Act of 2009), at Article 286 (Grave Coercion) of Revised Penal Code all in relation to RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).