MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lalo pang sumirit ang presyo ng bilihin at serbisyo noong Setyembre.
Sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na naitala ang 6.9 percent inflation noong nakaraang buwan, kumpara sa 6.3 percent noong Agosto.
Kapantay ito ng inflation rate sa kasagsagan ng pagsipa sa presyo ng bigas noong Oktubre 2018 at halos maabot na ang pinakamataas na 7.2 percent na naitala noong Pebrero 2009.
“Ang dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Setyembre 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages. Ito ay may 7.4% inflation at 70.6% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa,” saad ni Mapa.
Kabilang sa naging sanhi ng mataas na inflation rate ay ang presyo ng gulay, isda, asukal, confectionary at iba pa. Nakadagdag din sa pagsipa ng inflation ang housing, tubig, kuryente at ang mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Noong nakaraang buwan, hinagupit ng Super Bagyong ‘Karding’ ang malaking bahagi ng Luzon na nagresulta ng P3.12 bilyong halaga ng pinsala sa agrikultura.