Sangkot sa ‘vote buying’, ipakulong — Comelec
MANILA, Philippines — Nais ng Commission on Elections (Comelec) na repormahin ang batas upang ipahuli at ipakulong ang sinumang sangkot sa ‘vote buying’ o ‘vote selling’.
Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na isusulong nila ang mga legislative reforms sa 19th Congress para mapatatag pa ang mga batas sa halalan na iniikutan lamang ng mga beteranong mga politiko.
Kasama rito ang pag-aresto sa sinumang sangkot sa ‘vote buying o selling’ ng mga ‘enforcement agencies’ at agarang pagpapakulong sa kanila.
“Kasi kung titignan ninyo po sa Omnibus Election Code — anything related to campaign kahit pa nahuli ‘yan, hindi po natin pwedeng arestuhin o ikulong ng ating mga law enforcers, nandun po yan sa Omnibus election Code,” ayon kay Laudiangco.
Kaya ang ginagawa na lamang ng pulisya at Comelec ay nagsasampa lamang ng kaso sa mga sangkot.
Nangangalap muna ang Comelec ng mga ‘legislative reforms’ na isusumite sa Kongreso habang uunahin nilang tutukan ang imbestigasyon at pagresolba sa mga nakabinbin na mga disqualification cases.
- Latest