433 mananaya maghahati sa P236-M Grand Lotto 6/55 jackpot prize

Nagpaliwanag si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, sa mamamahayag sa pagkapanalo ng 433 mananaya na maghahati sa total jackpot prize na P236,091,188.40 o tig-P545,245.23 bawat isa.

MANILA, Philippines — Nasa 433 mapa­lad na mananaya ang ­maghahati-hati sa mahigit P236 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 na binola ng Philippine ­Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong Sabado ng gabi.

Ayon kay PCSO Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng lottery sa bansa at maging sa buong mundo, na umabot sa 433 mananaya ang nagwagi sa lotto.

Ani Robles, nahulaan ng mga bettors ang winning combination na 09-45-36-27-18-54 kaya’t paghahatian nila ang katumbas nitong total jackpot prize na P236,091,188.40 o tig-P545,245.23 bawat isa.

Mayroon rin namang 331 mananaya na nagwagi ng second prize na tig-P100,000 para sa nahulaang limang tamang numero.

Kaugnay nito, tiniyak ni Robles na walang ­iregularidad o manipulasyon na naganap sa naturang lotto draw.

Aminado si Robles na maging sila ay ‘napalundag’ sa resulta ng bola kaya’t kaagad nilang pinag-aralan ang nangyari.

Dito aniya nila natuklasang talagang posible itong maganap dahil ­marami talagang bettors ang nag-aalaga ng numero.

Isinasagawa rin aniya nila ang pagbola sa presensiya ng mga kinatawan ng Commission on Audit (COA) at naka-telecast ng live sa PTV 4.

Para kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na kataka-taka ang ­pagkapanalo ng  433 lotto bettors kaya’t nais niyang ipabusisi sa pamamagitan ng pagdinig sa Senado ang tinawag niyang “strange at unusual” na insidenteng ito.

“Katakataka yung result na yan.Yung 433 ang mananalo, supposed to be ang chances mo diyan is 1 in how many millions. So ibig sabihin, ganun kahirap dapat tamaan yan and then to say na 433 ang tumama, there is something suspicious,” ani Pimentel.

“Talagang marami po ang nagtaka, na ­medyo nagulat to ensure the integrity of our lotto games,” dagdag pa niya.

Hayagan ang pagnanais ng Senador na magsagawa ng pagdinig at aalamin din niya ang opinyon ng mga statistician at mathematician kaugnay ng resulta ng lotto draw. - Gemma Garcia

Show comments