MANILA, Philippines — Itinuturing na harassment ang kasong rape na isinampa ng isang dating accounting officer laban sa kanyang employer na may-ari ng Calor 888 Entertainment and Management Corporation sa Parañaque City Prosecutor’s Office noong Hulyo 2022 matapos maghain ng Motion for Reconsideration sa piskalya ang biktima.
Lumilitaw na una nang ibinasura ni Senior Assistant City Prosecutor Maricar Ona-Tolentino ang kasong rape noong Agosto 12, 2022 laban kay Jesus Gian Paolo Martinez III, alyas Chu Cho, ng BF Homes Parañaque, CEO ng Calor.
Ang pagkakabasura ng kaso ay bunsod ng kakulangan sa ebidensiya upang patunayan na may sapat na dahilan o probable cause.
Sa tugon ni Atty. Cherina Dionisio, legal counsel ni Martinez, sa Motion for Reconsideration ng biktima, sinabi nitong panggigipit lamang sa kanyang kliyente ang isinampang kaso nito, naka-hold ang huling suweldo nito para sa buwan ng Marso 2022. Nag-resign ang biktima noong Marso 23, 2022.
Ang pagkaka-hold ng sahod ng biktima ay bunsod naman ng hindi maipaliwanag na work related money at property accountabilities.
Ayon sa legal counsel ni Martinez, hindi ito magagawa ng negosyante lalo pa’t aminado ang biktima na naging mabuti ito sa kanya sa loob ng apat na taong pagtatrabaho.
Bigo rin ang biktima na magprisinta ng sworn affidavits ng mga sinasabi nitong saksi sa krimen. Hindi rin sapat ang mga larawang iprinisinta ng biktima. Nangyari umano ang insidente noong 2020 kung saan lockdown at ipinagbabawal ang paglabas ng bahay.
Si Martinez ay nakatira sa BF Homes Parañaque habang ang biktima ay naninirahan sa Sun Valley, Parañaque City. Dagdag pa ng kampo ni Martinez, pawang kasinungalingan ang mga inilahad ng biktima.