MANILA, Philippines — Gagawin ng Korte Suprema ang lahat ng makakaya nito upang maprotektahan sila sa anumang banta sa kanilang buhay at panggigipit.
Ito ang tiniyak ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa mga hukom sa buong bansa matapos silang magdesisyon ng kanyang mga kasamahan sa kataas-taasang hukuman noong Martes na pag-aralan kung ano ang maaaring maging parusa laban kay dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict spokesperson Lorraine Badoy dahil sa di-umano’y pag-redtag at panggigipit nito kay Manila Regional Trial Court Judge Marlo Magdoza Malagar.
Nag-ugat ang sinasabing aksiyon ni Badoy laban kay Malagar matapos ibasura ng hukom ang petisyon ng Department of Justice (DOJ) na ideklarang mga teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines (CPP) at ang armadong puwersa nito na New People’s Army (NPA).
Sa kanyang pagsasalita sa Annual Convention of the Metropolitan and City Trial Judges Association of the Philippines (METCJAP) sa Boracay Island, Aklan noong Huwebes, binigyang-diin ni CJ Gesmundo na seryoso ang judicial branch ng pamahalaan sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga hukom na itinuturing na nangunguna sa paghahatid ng hustisya sa mga mamamayan at lipunan.
Nagbabala rin ang Korte Suprema na papatawan ng contempt ang sinuman na hindi titigil sa paglalagay sa panganib sa mga buhay ng mga huwes at kanilang pamilya sa pamamagitan ng pag-redtag, paninira at panggigipit.