MANILA, Philippines — Iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umabot na sa mahigit P135 milyon ang naging pinsala sa imprastraktura tulad ng mga kalsada, tulay at flood-control structures sa pagbayo ng Bagyong ‘Karding’.
Sa datos, nasa P34.71 milyong halaga ang nasira sa mga national roads, P22.39 milyon naman sa mga tulay at P77.99 milyon sa mga ‘flood-control structures’.
Pinakamalaki ang naging pinsala sa imprastraktura sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa P19.6 milyon; kasunod ang P9.11 milyong pinsala sa Region 2; P91.38 milyon sa Region 3; P3 milyon sa Region 4-B; at P12 milyon sa Region 6.
Samantala, limang national road section ang nananatiling sarado sa trapiko tulad ng Kennon Road sa Benguet; Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge sa Isabela; Nueva Ecija-Aurora Road, Diteki River Detour Road; Baliwag Candaba-Sta. Ana Road, Brgy. San Agustin, Candaba, Pampanga; Hamtic-Bia-an-Egaña-Sibalom Road, Egaña Bridge sa Brgy. Egaña-Buhang, Sibalom, Antique.
Limitado naman ang access sa tatlong kalsada kabilang ang Gapan Ft. Magsaysay Road, Brgy. Padolina, General Tinio na maaari lamang daanan ng mga light vehicles dahil sa mga bumagsak na electric post.
Ang Candaba-Sana Miguel Road sa Pampanga ay maaari lamang daanan ng malalaking sasakyan dahil sa baha at ang Angeles-Porac-Floridablanca Dinalupihan Road, Mancantian Bridge sa Pampanga ay hindi pa rin madaanan ng mga light vehicles dahil sa pagbaha.