MANILA, Philippines — “Mag-deploy ng mas maraming generators na may gasolina sa mga lugar sa Nueva Ecija at Aurora na limitado ang supply ng kuryente na sinalanta ng Bagyong Karding.”
Ito ang naging kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Energy (DOE) sa isang situation briefing kasama ang mga matataas na opisyal ng gobyerno sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) headquarters sa Quezon City.
Sinabi ni DOE Secretary Raphael Lotilla na bukod sa Nueva Ecija at Aurora, ang iba pang probinsyang nahaharap sa problema sa suplay ng kuryente ay ang Tarlac, Zambales, Pampanga at Quezon.
Sinabi ni Lotilla na bagaman nakaligtas sa bagyo ang mga pangunahing generation plants, ilang lugar ang nananatiling bahagyang apektado ng mga isyu sa suplay ng kuryente.
Ayon kay Marcos, sa tingin niya ay magtatagal bago tuluyang maibalik ang kuryente at inutusan ang DOE na maglagay ng “stopgap measures” tulad ng pagde-deploy ng mas maraming generators na may gasolina.
Pinaalalahanan din ni Marcos ang National Irrigation Administration at ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System na mag-ingat sa pagpapalabas ng tubig mula sa parehong Ipo at Magat dam upang maiwasan ang malawakang pagbaha.