MANILA, Philippines — Sinuspinde na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang expanded number coding scheme at nakataas naman sa red alert status ang pamunuan bilang paghahanda sa epekto ng Super Typhoon Karding (International name: Noru).
Ito ang inanunsyo ng MMDA sa direktiba ni acting chairman Carlo Dimayuga III dahil sa sama ng panahon na dulot ng bagyong Karding.
Ang number coding scheme ay umiiral alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
Nakaantabay ang MMDA sa sitwasyon sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila sa Metrobase upang matiyak na gumagana ang lahat ng CCTV.
Nakahanda ang ahensya na magtalaga ng mga frontline personnel at emergency vehicles para tulungan ang publiko sa pagsisimula ng bagyo sa National Capital Region (NCR).
Sa ilalim ng red alert, magpapatupad ang ahensya ng “no day off, no leave” policy para sa mga frontline personnel nito lalo na sa mga tauhan sa emergency response.