DOJ at Chinese Embassy nagpulong
MANILA, Philippines — Inumpisahan na ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ) at Chinese government ang pagbalangkas sa “exit plan” para sa mga Chinese workers ng mga ipinasarang Philippine Overseas Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Sa ulat, nakipagkita na si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga opisyal ng Chinese Embassy at inumpisahan na ang pagbalangkas sa planong pagpapauwi sa mga Chinese nationals na “overstaying” sa Pilipinas makaraang maipasara ang mga pinapasukang POGO companies.
Isinagawa ang pulong nina Remulla at Chinese Embassy Charge D’Affaires Ad Interim Zhou Zhiyong sa DOJ head office sa Maynila at ilan sa mga napag-usapan ay ang posibleng “timeline” ng repatriation o pagpapauwi sa mga Tsino kabilang na kung kailan ito isasagawa at kung ito ay gagawin ng “by-batch”.
Bineberipika pa rin ngayon ng DOJ ang pagkakakilanlan ng mga Tsino at kung tutugma sa datos mula sa China ay uumpisahan na ang pagpapauwi sa kanila.
Sinabi ni Remulla na halos 300 na ang nasa kanilang kustodiya at inaasahan na dadami pa ito para sa deportasyon.
“We expect more to be there for deportation later on kapag nag-all out tayo, kasi we are collating a lot of information now, we are doing surveillance,” saad ni Remulla.
Magiging masusi umano ang gagawin nilang imbestigasyon sa mga Tsino. Inaasahan naman na maisasagawa na ang unang batch ng mga ipade-deport sa Oktubre.