Senado kakalkalin ang bentahan ng e-wallet account
MANILA, Philippines — Isinulong ng isang senador ang malalimang imbestigasyon hinggil sa laganap na bentahan ng mga mobile wallet account sa bansa.
Sa Senate Resolution 217 na inihain ni Sen.Sherwin Gatchalian, na kailangang maprotektahan ang mga consumer mula sa mga cybercriminal na gumagamit ng biniling e-wallet account sa black market.
Nanindigan si Gatchalian na dapat magkaroon ng epektibong interbensyon ang mga ahensya ng gobyerno upang matigil ang pagsasagawa ng pagpapahiram o pagbebenta ng mga SIM card na merong beripikadong mobile o e-wallet account.
Noong 2017, tinatayang 9 milyon ang rehistradong e-wallet accounts sa bansa at naging triple ito noong 2020 lalo na nang magsimula ang pandemya.
Sinabi ng senador na ang mga online scammers ay karaniwang gumagamit ng mga e-wallet account na hindi nakarehistro sa ilalim ng kanilang mga pangalan.
Matatandaang iniulat ng PNP Anti-Cybercrime Group na ginagamit ng mga kawatan ang mga naturang mobile wallet accounts sa mga gawaing kriminal tulad ng money laundering at identity theft at maging sa e-sabong.
Inaasahan ding sa pagsapit ng 2025 ay tataas pa sa 75.5 million ang mga users ng e-wallet.
Iginiit ni Gatchalian na dapat manghimasok na ang pamahalaan para matigil na ang naging kasanayan na pagbebenta ng SIM card na may rehistradong e-wallets.
- Latest