MANILA, Philippines — Nagsanib-puwersa ang Deparment of Social Welfare and Development (DSWD) at Public Attorney’s Office (PAO) upang habulin ang mga bastardong ama na ayaw sustentuhan ang kanilang mga anak sa kanilang dating asawa, kinakasama, o nobya na naanakan.
Sa isang memorandum of agreement (MOA) na pinirmahan ni DSWD Secretary Erwin Tulfo at PAO Chief Atty. Persida Acosta, nabatid na hahabulin nila ang mga ama na ayaw sustentuhan ang kanilang anak sa kanilang mga ex.
Ayon kay Tulfo, “hindi lang po warning… kundi sasampahan na ng kaso ang mga tatay ng bata na ayaw magbigay ng sustento sa kanilang anak”. Paliwanag ni Sec. Tulfo, “kapag lumapit ang isang ina sa amin at nirereklamo ang ama ng kanyang anak dahil ayaw magbigay ng sustento… una at pangalawa susulatan lang namin, kapag nagmatigas pa rin, ang PAO naman ang tutulong sa nasabing solo mom”.
Ayon naman kay Acosta, bilang na ang araw ng mga walang kwentang mga ama na ito at posibleng kasong kriminal pa ang kakaharapin ng taong ito. Paglabag sa Article 194 at 195 ng Family Code of the Philippines at Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 ang ikakaso sa mga tatay na pabaya. Ang RA 9262 ay may kaakibat na parusang pagkabilanggo mula isa hanggang dalawampung taon at penalty na P100,000 hanggang P300,000.