POGO company, ipinasara ng DILG

Nilagyan nina Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos at Brig. Gen. Cezar Pasiwen, Police Regional Office-3 (PRO3) director ng Notice of Clo-sure ng Lucky South 99 Outsourcing Inc. (POGO) company na matatagpuan sa Fil-Am Friendship Highway, Angeles City, noong Sabado ng hapon.
Ric Sapnu

MANILA, Philippines — Isang iligal na pasilidad ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) facility sa Pampanga na umano’y sangkot sa human trafficking ng mga dayuhang Chinese ang isinara ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Pinaskil ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. ang Notice sa publiko sa pintuan ng Lucky 99 South Outsourcing Inc., kasama ang mga pu­wersa ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), mga kinatawan ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) at mga barangay officials.

Ipinaliwanag ng Kalihim na ang kakulangan sa lisensya ang isa sa dahilan ng pagpapasara sa natu­rang kompanya.

Matatandaang kama­ka­ilan lamang ay sinagip ng pulisya ang isang kinidnap na Chinese National at 42 iba pang mga trafficked workers sa naturang lugar.

Ipinangako ni Abalos na gagawin ng Kagawaran at PNP ang lahat para matugis ang mga nasa likod ng iligal na operasyon ng naturang POGO.

Sa ginawang pagsala­kay at pagpapasara ng kompanya, may inabutan pa ang grupo ni Abalos na mga 40 pang Chinese nationals sa lugar at 200 iba pa sa isang hotel na karamihan ay pawang hindi dokumentado at walang mga passports na hawak.

Nagpaalala naman si Abalos sa publiko na makipagtulungan sa mga kapulisan upang masupil ang ganitong uri ng kriminalidad. - Doris Franche

Show comments