MANILA, Philippines — Nasa 74 na dayuhan na ikinukulong umano sa loob ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) site ang nasagip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ikinasang pagsalakay sa Cainta, Rizal kamakalawa.
Sa ulat ng NBI, kinabibilangan ng 70 Chinese workers, dalawang Taiwanese, isang Malaysian, at isang Vietnamese nationals ang nailigtas sa operasyong isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Immigration (BI), at Chinese embassy.
Ang operasyon ay ikinasa kasunod ng paghingi ng assistance ng Chinese Embassy sa NBI hinggil sa tila pangho-hostage sa mga Chinese nationals.
Ayon kay NBI Assistant Director for Investigative Service Jose Doloiras, agad silang bumuo ng team at tinungo ang lugar sanhi ng pagkaka-aresto ng isang Chinese habang 74 na banyaga ang nailigtas.
“Ang allegation is kidnapping, illegal detention. That is a heinous crime we immediately act on it,” ani Doloiras sa isang panayam.
Isa umano sa Chinese na biktima ang nagsalita na siya at mga kasama ay sapilitang pinagtatrabaho sa isang online casino at sinasaktan sila ng kapwa Chinese na naaresto sa operasyon, kung ayaw nilang sumunod.
Ipinakita rin sa mga awtoridad ng biktima ang marka ng mga paso sa likod at binti.
Nakikipag-ugnayan din ang NBI sa BI upang matukoy kung illegal aliens ang mga narescue na pawang walang maipakitang dokumento o identification cards.
“We are going to process these people, profile them, if they are here without documents we will turn them over sa BI,” ayon pa kay Doloiras.