Pangulong Marcos nagtanim ng kawayan sa ika-65 kaarawan

MANILA, Philippines — Ipinagdiwang kahapon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kanyang ika-65 kaarawan sa pamamagitan ng pagtatanim ng kawayan sa San Mateo, Rizal.
Ito ay bahagi ng nationwide bamboo at tree planting activity na pinamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
“Sabi ko, siguro ang pinakamaganda, para ‘yung kaarawan ko ay maging mas makabuluhan at talagang may dahilan na tayo magcelebrate, sabi ko gawa tayo ng greening, tree planting at ‘yan naman talaga ay ang pinakaimportanteng isyu hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo ngayon,” wika ni Marcos.
Ang uri ng kawayan na itinanim ni Marcos ay siit o maraming tinik na karaniwang mabibili ng mura kumpara sa botong o patong.
Iisa lang aniya ang mundo at dapat matiyak na patuloy itong mabubuhay sa mga darating na panahon.
Layunin ng tree planting program na makapagtanim ng mahigit 8,000 seedlings at bamboo planting stocks sa ilang bahagi ng Calabarzon.
Bukod sa lumang sanitary landfill sa San Mateo, kabilang sa iba pang tree planting sites ang Taytay village sa Majayjay, Laguna; Trece Martires City sa Cavite; Kinalaglagan Mataas na Kahoy sa Batangas; at Sta. Lucia village sa Dolores, Quezon.
- Latest