MANILA, Philippines — Simula Oktubre 6 hanggang 13 ang itinakdang araw ng Commission on Elections (Comelec) sa pagsusumite ng ‘certificate of candidacy (COCs)’ para sa 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Pero, nilinaw ni Comelec chairperson George Garcia na walang ‘COC filing’ sa Oktubre 9.
Ang election period ay mag-uumpisa mula Oktubre 6 hanggang Disyembre 12 kung kailan ipatutupad rin ang Comelec gun ban.
Nilinaw ni Garcia na sa mga nakakuha ng ‘gun ban exemptions’ noong 2022, pinaplano na ng komisyon na palawigin ito hanggang sa BSKE elections.
Itinakda rin ang ‘campaign period’ mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 3 bago ang aktuwal na halalan sa Disyembre 5.
Kung matutuloy ang halalan at hindi magiging epektibo ang mga suhestiyon na suspindihin ito, mag-uumpisa ang halalan sa Disyembre 5 mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Ipinaalala rin ng Comelec na ang huling araw ng pagsusumite ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ay sa Enero 4, 2023.