Bagyong Henry at Habagat nagsanib
MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Henry at southwest monsoon o Habagat, nalubog sa baha ang ilang lugar sa Metro Manila habang hinagupit ang lalawigan ng Batanes.
Sa Maynila, maraming lugar sa lungsod ang binaha bunsod ng malakas na pag-ulan dulot ng nagsanib na bagyo at Habagat na naranasan nitong Sabado.
Dahil dito, nagkaloob ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) at Manila Disaster Risk Reduction and Manage Office (MDRRMO) ng libreng sakay sa mga stranded na pasahero na nasa mga pangunahing lansangan..
Sinabi ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, ang libreng sakay ay mula Vito Cruz, Taft Avenue hanggang Monumento at Welcome Rotonda na boundary ng Quezon City at Tondo sa Divisoria.
Sa Quezon City, umabot hanggang sa angkle deep o bukong-bukong ang baha sa Dapitan habang na-stranded naman ang mga sasakyan sa bahagi ng Araneta Avenue malapit sa E. Rodriguez at umabot ng hanggang tuhod ang baha sa Maria Clara Street.
Natumba naman ang puno ng niyog sa panulukan ng Sgt. Esguerra at Mother Ignacia Avenues sa Brgy. South Triangle, Quezon City at nagbagsakan din ang ilang kawad ng kuryente doon.
Una nang sinuspinde ni Mayor Joy Belmonte ang pasok ng mga mag-aaral kahapon dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng bagyo.
Samantala, binayo naman ang Batanes na naging sentro ng bagyong Henry habang kumikilos pa-hilagang direksyon ng bansa.
Sa 11:00 a.m. advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon, namataan ang sentro ng bagyong Henry sa layong 405 kilometro ng hilagang silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 150 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na aabot sa 185 kilometro kada oras.
Habang sinusulat ang ulat na ito, nanatili sa Tropical Cyclone Wind Signal Number 2 ang Batanes habang nasa Cyclone Wind Signal Number 1 ang Babuyan Islands at northeastern portion ng mainland Cagayan partikular na ang Santa Ana.
Ayon sa PAGASA, patuloy na makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Batanes at Babuyan Islands bagama’t inasahang lalabas na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo nitong Sabado ng gabi.
Bumagal ang bagyong Henry kagabi palabas ng bansa habang tinatahak ang northward direction ng karagatan ng Taiwan.