MANILA, Philippines — Upang mapigilan ang mga insidente ng krimen ngayong ‘ber’ months ay asahan na ngayon ng publiko na mas maraming pulis partikular ang miyembro ng Special Action Force (SAF) ang nakakalat sa mga malls, kalsada at iba pang establisyimento.
Ito ang binigyan diin ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., bunsod na rin ng pagdagsa ng tao sa lansangan ngayong “ber” months.
Anya, mas paiigtingin ang police visibility sa shopping malls, kalsada at iba pang establisyimento upang mabigyan ng proteksiyon ang publiko laban sa snatching, hold up at iba pang modus.
Sinabi pa ni Azurin, ngayong nagsimula na rin ang face-to-face classes at “ber” months ay maraming kriminal ang mananamantala sa pagkakataon.
“As always, we anticipate the crime to go up when the ber months come that is why I instructed our police not just in the National Capital Region for an increased police presence,” ani Azurin.
Dapat din aniya nakaalerto ang kanilang puwersa sa mga ‘crime prone areas,’ bukod sa regular ang koordinasyon ng pulis sa mga opisyal ng barangay.
Ibinahagi ni Azurin na bumaba ang index crimes sa bansa simula nang maupo si Pangulong Marcos Jr. noong Hulyo.