Vhong Navarro kinasuhan ng rape sa Taguig RTC
MANILA, Philippines — Sinampahan ng Taguig City prosecutors ng kasong rape si comedian-host Vhong Navarro sa umano’y panghahalay sa model na si Deniece Cornejo noong 2014.
Nabatid na noong Agosto 31 nang isampa ng piskalya sa Taguig City Regional Trial Court na kung saan si Navarro ay inakusahan na nilasing at ginahasa si Cornejo noong Enero 17, 2014 sa kanyang condo unit sa Taguig City.
Ang pagsasampa ng kaso laban kay Navarro ay matapos paboran ng Court of Appeals ang isinampang petisyon ni Cornejo sa pagbasura ng kaso ng Department of Justice.
Matatandaan na nitong Hulyo 21, naglabas ng kautusan ang Court of Appeals (CA) sa Taguig City Prosecutor’s Office na sampahan ng kasong rape si Navarro makaraang baligtarin nito ang unang resolusyon ng DOJ.
Sa resolusyon ng DOJ noong Abril 2018, tinanggihan nito ang petition for review ng kampo ni Cornejo na kumukuwestiyon sa resolusyon noong Setyembre 2017 na nagsasabi na walang ‘probable cause’ para sampahan ng kaso si Navarro sa korte.
Ayon sa CA, hindi tamang venue ang ‘preliminary investigation’ para madetermina ang pagiging inosente o pagiging guilty ng isang respondent sa isang kaso.
- Latest