Face to face classes mag-aangat sa literacy ng estudyante
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Senador Win Gatchalian, Chairman ng senate Committee on Basic Education na dapat nang ipatupad sa lahat ng paaralan ang face-to-face classes upang muling tumaas ang literacy ng mga estudyante.
Sa kanyang pagdalo sa Kapihan sa Manila Hotel sa kooperasyon ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcaster ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI), sinabi ni Gatchalian na kailangan na muling maibalik ang mataas na antas sa edukasyon ng mga estudyante na naapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Ayon kay Gatchalian, mas natututukan ng guro ang estudyante kung face-to-face at mas napapalawak ang interaksiyon kung saan nagkakaroon ng self confidence ang bawat estudyante.
Samantala, payo rin ng Senador, dapat na bigyan pansin ng mga guro ang pagtuturo mula kinder hanggang Grade 3 kung saan dapat ay marunong nang magbasa ang estudyante.
Aniya, hindi dapat na ipasa ang estudyante kung hindi nakakabasa dahil mas lalo lamang itong mahihirapan sa mga susunod na baitang.
Nakakalungkot lamang na malaman na maraming guro ang napipilitan na ipasa ang mga estudyante bagama’t mababa ang literacy at reading comprehension ng estudyante dahil sa awa.
- Latest