MANILA, Philippines — Isang pulis at tatlo nitong kasabwat ang inaresto matapos na mahuli sa aktong nagnanakaw ng cable wire sa Quezon City.
Kinilala ni QCPD Director, P/Bgen. Nicolas Torre III ang mga naarestong suspek na sina Pat. Francis Baquiran, 27, nakatalaga sa Eastern Police District (EPD), residente ng Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City; Ivan Fritz Valtiedaz, 26, criminology graduate, ng Brgy. Talipapa, Quezon City; Richard Repal, 32; at Needrick Suing, 25, kapwa residente ng Brgy. Tandang Sora, Quezon City.
Sa ulat bago naaresto ang mga suspek, ala-1:50 ng madaling araw kamakalawa sa C.P. Garcia, tabi ng Baluyot Court, sa Brgy. Krus na Ligas ay nagsasagawa ang mga otoridad ng One Time Big Time (OTBT) sa lugar nang maaktuhan ang mga ito habang nagnanakaw ng mga cable wire ng PLDT.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 115 PLDT copper cable na nagkakahalaga ng P471,940; isang unit ng Taurus Banbridge GA G3c 9x19 Caliber .9MM na may serial No. ACA47683 at magazine na loaded ng pitong live ammunition; dalawang Canik magazine caliber .9mm na loaded ng siyam na ammunition; at isang Foton Wing Van na may plate number na NCX 3882.
Ang mga suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong pagnanakaw. Sina Baquiran at Valtiedaz ay mahaharap naman sa karagdagang kaso nang paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.