Kita ng mga magsasaka apektado ng e-sabong ban
MANILA, Philippines — Naapektuhan umano ang kita ng mga magsasaka sa pagpapatigil ng online sabong sa bansa dahil sa inaasahang bababa ang presyo ng animal feeds sa merkado dahil kakaunti na ang magiging demand ng gamefowl industry.
“Pababa ‘yung presyo ng mais gawa ng kakaunti ‘yung demand. Yung mga kakain sana e, nakukulangan. Para maibenta na agad at mahabol namin ‘yung presyo kasi bababa pa ‘yan,” ayon sa magsasakang si Jay-ar Dagman mula sa Echaque, Isabela.
Idinagdag pa nito na wala nang kumukuha ng mais gayung tumaas pa ang presyo ng abono na ginagamit sa pagtatanim ng mais na posibilidad na mabulok ang mga ani kung hindi ito ipagbibili sa murang halaga.
“Last year po kasi marami ‘yung mga kumakain na baboy at manok, e ngayon kaunti na lang pinapakain, mga baboy na lang,” aniya.
Magugunita na nitong Mayo nang ipag-utos ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapahinto sa mga operasyon ng e-sabong sa buong bansa.
Sa kasagsagan ng e-sabong ay naiulat na mayroong P650 million revenue loss kada buwan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR)mula sa gamefowl industry.
Hindi bababa sa P1.37 bilyon ang nakolekta mula sa pitong lisensiyadong e-sabong operators mula Enero hanggang Marso 2022.
Sa pagbabawal sa e-sabong, inaasahan ng PAGCOR ang P5 billion revenue loss ngayong taon.
Ang pagbabawal sa operasyon ng e-sabong ay patuloy na iniinda ng iba’t ibang negosyong konektado sa gamefowl industry na kung saan ay nasa 3.2 milyong Pinoy ang nawalan ng kabuhayan.
Samantala, hinihintay pa ni PAGCOR Chairperson at Chief Executive Officer (CEO) Alejandro Tengco ang ‘go signal’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung papayagan pang magpatuloy ang operasyon ng e-sabong sa bansa o tuluyan na itong tutuldukan sa gitna na rin ng misteryosong pagkawala ng mahigit 34 sabungero sa bansa matapos ang mga itong malulong sa e-sabong. - Joy Cantos
- Latest