Pinatutukoy ang may-ari ng accounts na ‘Usapang Diskarte’ Manila RTC nag-isyu ng warrants sa FB at Youtube

Sa utos ng korte, ka­ilangang maisumite ng Google LLC/YouTube at Meta/Facebook sa loob ng 72 oras ang pagkakaki­lanlan ng mga personalidad na nasa likod ng naturang accounts at iba pang datos pagkatanggap ng warrant.
Pixabay / File

MANILA, Philippines — Nag-isyu ang Manila Regional Trial Court Branch 24 ng warrants laban sa  Facebook at YouTube upang ilabas nila ang pagkaka­kilanlan ng mga taong nasa likod ng accounts na “Usapang Diskarte” na ang mga content ay “online child sexual abuse” at exploitation.

Sa utos ng korte, ka­ilangang maisumite ng Google LLC/YouTube at Meta/Facebook sa loob ng 72 oras ang pagkakaki­lanlan ng mga personalidad na nasa likod ng naturang accounts at iba pang datos pagkatanggap ng warrant.

Kabilang sa hinahanap na datos ay ang mga impor­masyon ng mga subscriber­, chats, mga images na naka-upload sa sites at iba pang content.

Ang hakbang ng korte ay makaraan ang pagsa­sampa ng reklamo ng PNP ACG-Women and Children Cybercrime Pro­tection Unit (WCCPU) nitong Hulyo 28.
Dahil parehong nakabase ang dalawang social media giants sa California sa United States, inihain na lamang ng PNP ang mga warrant sa Department of Justice-Office of Cybercrime nitong Martes.

Sinabi ni State Counsel Gerald Vincent Sosa ng DOJ Cybercrime office na umaakto sila na isang ‘central agency’ sa pagsisilbi ng ‘cyber-related warrants’ sa mga dayuhang persona­lidad o organisasyon.

Nilinaw naman niya na buo ang kooperasyon­ ng parehong social me­dia­ platforms sa mga oto­ridad pagdating sa isyu ng ‘child grooming o child porno­graphy’.

Sa opisyal na datos, naitala ang mga kaso ng ‘online sexual exploitation’ sa 47,937 noong 2020 mula sa 19,000 noong 2019 sa gitna ng restriksyon dulot ng pandemya. -Doris Franche

Show comments