Pamamahagi ng educational payout, naging maayos
MANILA, Philippines — Mapayapa ang isinagawang payout ng educational cash assistance sa mga indigent students nitong Sabado, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr.
Ayon kay Abalos, wala ring pinayagang mag-walk-in sa payout upang maiwasan ang gulo at minobilized din nila ang mga police at task force ng mga local government units (LGUs) upang matiyak na maayos ang pila ng mga kumukuha ng ayuda. Ang mga may text confirmation lamang din aniya ang pinayagang pumila at makakuha ng cash aid.
Ipinaliwanag ni Abalos na nilimitahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bilang ng mga text confirmations sa 1,000 hanggang 3,000 kada site lamang, depende sa kapasidad ng disbursement venue.
“Strong police and LGU task force visibility in NCR (National Capital Region) sites. No resistance so far when persons showing up with no DSWD confirmation are politely turned away,’’ ani Abalos.
Sa kabila nito, dinumog pa rin ng mga tao ang tanggapan ng DSWD sa Quezon City sa kabila ng abiso na wala nang walk-ins sa pamamahagi ng educaitonal assistance sa mga mahihirap na mag-aaral.
Nabatid na marami ang nagbakasakali na makakuha ng ayuda sa DSWD office sa Barangay Batasan Hills kahit ang payout center ay nailipat na sa National Vocational Rehabilitation Center (NVRC) sa Project 4 QC para sa mga naka-skedyul na makakuha ng ayuda.
Sinasabing ang mga dumagsa sa DSWD central office ay yaong mga mag-aaral na naka rehistro na para makuha ang ayuda sa ilalim ng educational asssistance ng DSWD pero hindi pa nakakatanggap ng confirmation text mula sa ahensiya kayat nagbakasakali ang mga itong pumunta sa ahensiya para makuha ang ayuda kahit walk-ins.
Nabatid na mayroong 215 educational distribution sites sa mga rehiyon at tatlo sa Metro Manila venues, na binabantayan ng PNP at local task forces. - Angie Dela Cruz
- Latest