MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nagdeklara ang gobyerno ng giyera laban sa online child sexual exploitation.
Sa isang inter-agency press conference sa Malacañang, sinabi ni Remulla na dapat ikahiya ng bansa ang imahe ng Pilipinas bilang nangungunang pinagmumulan ng child exploitation at sexual abuse online.
“Nagdedeklara kami ng digmaan tungkol dito.... Lahat na ng pwedeng gawin ng bansa para dito… 100 percent of law enforcement is here as well as 100 percent of jails and correctional facilities are here,” ani Remulla.
Sinabi rin ni Remulla na layunin nila na iparamdam sa mga mamamayan ang pangangailangang sugpuin ang mga krimen na ginagawa sa mga kabataan sa pamamagitan ng internet at sa pamamagitan mismo ng face-to-face na pangyayari.
Sinabi rin ni Remulla na marami ang dapat makiisa sa kanila katulad ng mga internet service providers, telcos, mga malalaking kumpanya ng internet na hindi aniya dapat magpagamit sa mga nasabing karumal-dumal na gawain.
Marami rin aniyang mga lugar sa bansa ang natukoy na mga hotspot sa online na sekswal na pang-aabuso sa mga bata.
Ang mga Europe, ayon sa kanya, ang pinakamalaking mamimili ng mga online na materyales na nagsasamantala sa mga menor-de-edad sa Pilipinas.
Nagbabala naman si Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy na ang mga indibidwal na nagsasamantala sa mga bata at pasimuno sa child pornography, ay mahaharap sa pag-aresto.
Sinabi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo na katuwang nila sa laban ang mga taga-United States Embassy, Homeland Security upang mag-monitor.