Dahil sa bagyong Florita, Marcos sinuspinde ang pasok sa gobyerno, klase sa Metro Manila at 6 lugar
MANILA, Philippines — Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon sa tanggapan ng gobyerno at pampublikong paaralan kahapon, Martes (Agosto 23) hanggang ngayong araw (Agosto 24) dahil sa matinding Tropical Storm Florita.
Ayon kay Press Secretary Trixie Angeles, simula kahapon, Agosto 23, walang pasok sa lahat ng antas sa mga pampublikong eskwelahan sa National Capital Region, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales at Bataan hanggang bukas, Agosto 24.
Ang pagsuspinde ng Pangulo ay base na rin sa rekomendasyon ng Office of Civil Defense.
“The heavy rains pose possible risks to the general public based on the recommendations of the Office of Civil Defense,” ang nakasaad sa kalatas na ipinalabas ni Angeles.
Ang kahalintulad na hakbang para sa mga pribadong eskuwelahan at tanggapan ay ipinauubaya na ng Malacañang sa diskresyon ng kanilang pinuno.
Hindi naman kasama rito ang mga frontline agencies na nagbibigay ng emergency services.
Ang rekomendasyong suspensyon ay naglalayong pigilan ang anumang hindi kaaya-ayang insidente at matiyak ang kaligtasan ng general public.
- Latest