Bodega sa Caloocan sinalakay: P232 milyon ismagel na bigas at asukal nadiskubre
MANILA, Philippines — Umaabot sa P232 milyon na halaga ng mga nakaimbak na bigas at asukal ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) nang salakayin ang isang bodega sa Caloocan City.
Sa bisa ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na nilagdaan at inisyu ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz laban sa dalawang bodega na matatagpuan sa isang compound sa 448 Kabutuhan St., Deparo Road, Brgy. 168, Caloocan City ay nadiskubre ang nasa 66,000 sako ng bigas at 13,000 sako ng asukal, na tig-50 kilo bawat isa na nagmula sa Thailand at Vietnam.
Tiniyak naman ni Customs Intelligence and Investigation Division (CIIS) Director Jeoffrey Tacio na nagsagawa sila ng “proper coordination” sa barangay at local police bago tinungo ng joint team mula sa Customs at Military Intelligence ang lokasyon at ipinaliwanag ang layunin at mga probisyon ng LOA sa mga kinatawan ng bodega.
Pansamantalang sinelyuhan ng grupo ang entrance at exit gates ng bodega at ang imbentaryo ay isinagawa kahapon.
Ang operasyon ay alinsunod pa rin sa visitorial power ng BOC na mag-inspeksiyon ng mga warehouse na pinaniniwalaang sangkot sa hoarding ng asukal, sa pakikipagtulungan sa Sugar Regulatory Administration (SRA) at Department of Agriculture (DA).
- Latest