MANILA, Philippines — Nagpaturok na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at anak na si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos ng kanilang pangalawang booster shot laban sa COVID-19.
Sa kanyang talumpati sa “PinasLakas Vaccination Campaign sa SM Manila, muling iginiit ni Marcos ang kahalagahan ng booster shots kaya personal siyang dumalo sa okasyon.
Sinabi ni Marcos na nais niyang ipakita sa mga mamamayan na ligtas at epektibo ang bakuna.
Si Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang nagbigay ng ikalawang booster shot sa Pangulo habang si Manila Mayor Honey Lacuna ang kay Sandro.
Sinabi ni Marcos na upang makumpleto ang bakuna ay dapat makumpleto ang booster shot upang magtuluy-tuloy na bukas ang ekonomiya.
Tiniyak ni Marcos na kahit pa magkaroon ng side effect ang booster shot ay hindi naman magiging malubha ang epekto ng COVID-19 at lahat ng ibang variants. - Danilo Garcia