Sa kontrobersyal na importasyon ng asukal
MANILA, Philippines — Matapos masabit sa isyu ng naunsyaming illegal importation ng 300,000 metriko toneladang asukal, agad namang nilinis ng Palasyo ng Malacanang ang pangalan ni Executive Secretary Victor Rodriguez.
Ipinagtanggol ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles si Rodriguez dahil ito pa aniya ang nakahuli at nagpakita kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang resolusyon na pinirmahan ng Sugar Regulatory Board tungkol sa planong pag-iimport ng tone-toneladang asukal.
“Actually, siya (Rodriguez) po ‘yung nakahuli nito. Siya po ‘yung nagdala ng issue sa Presidente at ipinakita iyong resolusyon na pinirmahan ng Board na illegally nag-convene. At si Presidente mismo ang nagsabi, saka hindi raw niya pinayagan itong importation na ito. So doon po lahat nag-umpisa at nakikita natin na it was ES din po ang gumawa,” paliwanag ni Angeles.
Sinabi rin ni Angeles na hindi niya alam kung saan nanggagaling ang isyu at pilit na idinidikit ang pangalan ni Rodriguez sa usapin.
Nauna rito, lumabas ang isang kopya ng memorandum kung saan binigyan ni Rodriguez ng dagdag na kapangyarihan ang Agriculture undersecretary at chief of staff Leocadio Sebastian, na nagbitiw na sa puwesto.
Sa nasabing memo, binigyan ni Rodriguez ng kapangyarihan si Sebastian na pumirma ng mga kontrata para sa DA at umaktong pinuno ng procuring entity ng ahensiya.
Inako naman lahat ni Sebastian ang pagkakamali at humingi ng paumanhin sa Pangulo.
“I sincerely offer my apologies, Your Excellency, for my having approved Sugar Order no. 4 on your behalf, and through the authority you had vested upon me. It has become clear that the same was not in keeping with your administration’s desired direction for the sugar industry. I take accountability and responsibility for its consequences,” ani Sebastian.