MANILA, Philippines — Papuri ang natatamasa ngayon ng isang 74-anyos na lola dahil ipinakita nitong determinasyon para makapagtapos sa elementarya sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) sa lungsod ng Navotas.
Sa isinagawang graduation ng ALS, binati ni Navotas City Rep. Toby Tiangco na personal na dumalo sa seremonya ang lolang si Urbana Señal Navarrete at iba pang nagsipagtapos.
“Saludo tayo kay Nanay Urbana at sa mga kasama niyang ALS graduates dahil hindi naging hadlang ang edad, katayuan sa buhay, o iba pang hamon at pagsubok para sila ay magsikap na makapagtapos sa pag-aaral at ikinararangal namin ang inyong pagpupursigi,” talumpati ni Tiangco sa harap ng mga nagsipagtapos.
Samantala, nakiisa rin si Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa isinagawang Brigada Pagbasa ng mga mag-aaral ng Kapitbahayan Elementary School.
Ang programa ay naglalayong hikayatin ang mga kabataang mag-aaral sa lungsod na mawili sa pagbabasa.