Para masolusyunan ang classroom shortage
MANILA, Philippines — Upang masolusyunan ang problema sa shor-tage ng mga silid-aralan ay plano ng Department of Education (DepEd) na magpatupad ng blended learning at double o triple shifts ng klase.
Sa isang pulong balitaan, inamin ni DepEd Spokesperson Michael Poa na mayroon pa ring kakulangan ng mga silid-aralan sa National Capital Region (NCR) at Calabarzon bunsod ng malaking bilang ng mga estudyante.
“Meron po talaga tayong shortage ngayon, especially in the Calabarzon area and Metro Manila, kasi may mga schools na reported na mga 68 students pa per classroom,” ayon kay Poa.
“Hopefully mga dalawang shifts lang. Kung hindi talaga kaya, then doon tayo magta-tatlo... Shifting para maiwasan ‘yung overcrowded para as much as possible, meron pa ring physical distancing ang mga bata. And then of course, there’s always the option of blended lear-ning,” aniya pa.
Muli ring sinabi ni Poa na plano nilang magtayo ng mga temporary learning spaces sa mga lugar na tinamaan ng mga kalamidad at nakikipag-ugnayan na sila sa mga local government units (LGUs) upang makahanap ng mga lugar kung saan maaaring magdaos ng klase ang mga estudyante, gaya ng mga covered courts.
Inianunsiyo rin ni Poa na maglulunsad sila sa Agosto 15 ng Oplan Balik Eskwela Command Center upang matiyak na magiging maayos ang pagbabalik sa eskwela ng mga bata.
Ang School Year 2022-2023 ay una nang itinakda ng DepEd sa Agosto 22, 2022 hanggang Hulyo 7, 2023.
Ang limang araw na face-to-face classes naman ay sisimulan sa Nobyembre 2.