Pinas kinakapos na sa suplay ng dugo — DOH

MANILA, Philippines — Tumulong at mag-donate ng kanilang dugo para mapanatili na sapat ang suplay nito sa mga blood centers at makapagpahaba pa ng buhay ng mga pasyenteng nangangailangan nito.

Ito ang naging pana­wagan ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa publiko dahil sa naapektuhan ang suplay ng dugo sa bansa dahil maraming tao ang ayaw lumabas ng kanilang tahanan bunsod na rin ng pandemya ng COVID-19.

“Nananawagan tayo sa ating mga kababayan, doon sa ating mga volunteer blood donors, kung maaari po makapagbigay tayo para masustina natin ang ating supply ng dugo sa ating bansa,” ayon kay Vergeire.

Partikular na nakipag-ugnayan na ang DOH sa mga regular donors nila tulad ng mga tauhan ng Armed Forces of the Phi­lippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP), na patuloy na mag-donate ng dugo.

Pinaigting din aniya nila ang kanilang blood donation campaign at sa ngayon ay unti-unti na ring dumadami muli ang mga blood donors.

“Sa ngayon, unti-unti na ho uling nag-i-increase ang ating blood donors. Intensive po ang kampanya for blood donation natin ngayon so that we can provide ‘yung blood pro­ducts na kailangan ng ating populasyon,” dagdag pa ni Vergeire.

Show comments