Marcos sa mga pulis: ‘Wag abusuhin ang tungkulin

Pinangunahan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 121st Police Service Anniversary Celebration sa Camp Crame, Quezon City.
KJ Rosales

MANILA, Philippines — “Huwag hayaan na hindi maging tapat at abusuhin ang tungkulin at magtrabaho ng may integridad.”

Ito ang naging paalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang pangunahan ang ika-121 Police Service Anniversary celebration na idinaos sa PNP Multi-Purpose Center sa Camp Crame,  Quezon City.

Sa naging talumpati  ng Pangulo, hinikayat niya ang mga police officers na gawin ang kanilang makakaya na hindi masa­sakripisyo ang kanilang integridad bilang public servants.

“I enjoined all of you to give it your best as you always have, without sacrificing your integrity as servants of the people. Let us be united in supporting the PNP leadership and its crusade against those who intend to inflict harm and disorder,” ayon kay Pangulong Marcos.

Bilang nangunguna sa kapayapaan, sinabi ni Pa­ngulong Marcos na ang mga police officers ay ang isang halimbawa ng uri ng lider sa bansa na kaila­ngan para malampasan ang prob­lema.

Pinaalalahanan pa rin ng Punong Ehekutibo  ang mga police officers na ang paggamit ng dahas alinsunod sa kanilang tungkulin at gampanin ay dapat na “reasonable and justifiable.”

Giit pa rin ng Pangulo­ na dapat lamang na gawin ng police force ang kani­lang tungkulin na patas at walang kinikilingan o pinapanigan.

Tiwala naman ang Chief Executive na magi­ging “great complement” sa kanyang administrasyon ang bagong talagang PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. at sa ilalim ng liderato nito ay nais niyang masaksihan ang police organization na mayroong “higher sense of commitment, determination, and cooperation.” - Doris Franche

Show comments