Full capacity na sa SONA ni Marcos

MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa darating na Hulyo 25 ay papayagan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ‘full capacity’ ng mga dadalo.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, naghahanda na sila para sa makasaysayang SONA ni PBBM na ‘full capacity’ na muli sa pagkakataong ito matapos ang hybrid SONA noong nakalipas na dalawang taon dulot ng COVID-19 pandemic.
Nasa 1,200 katao ang maaaring payagang makapasok sa plenaryo ng Kamara kung saan gaganapin ang SONA kabilang ang 300 Kongresista, 24 Senador at mga miyembro ng diplomatic corps.
Sa hanay ng mga reporter na nagko-cover sa Kamara ay 30 lang ang slot na pahihintulutan makapasok sa loob ng sesyon hall habang ang iba pa ay may itatalagang holding area kung saan magmomonitor na lamang ang mga ito sa live streaming.
Ilang oras bago ang kauna-unahang SONA ni PBBM bilang ika-17 Pangulo ng bansa ay pormal na magbubukas ang ika-19th Congress kung saan iluluklok sa puwesto si incoming House Speaker Martin Romualdez (1st District Leyte).
Ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado ay magsasanib upang pormal na buksan ang ika-19th Congress.
Ipatutupad din ang mahigpit na seguridad sa labas at loob ng Batasang Pambansa at tanging may mga QR Code lamang ang makakapasok sa loob upang maiwasang malusutan ng anti-Marcos rallyists.
Ipatutupad pa rin ang healthy at safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing at paglalagay ng sanitizer sa kamay.
- Latest