MANILA, Philippines — Anim katao ang nasawi habang dalawa ang nasugatan matapos gumuho ang pader sa kasagsagan ng malakas na ulan sa isang construction site sa Barangay Kaybagal Central, Tagaytay City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay City admi-nistrator Gregorio Monreal na lima sa biktima ay nahukay na kahapon habang ang isa na unang nasagip ay idineklarang dead on arrival sa ospital.
“Unfortunately, isang na-rescue natin kahapon ay namatay din. Ngayon ang na-retrieve natin lima,” pahayag nito sa mga media sa isang panayam.
Sinabi naman ni Tagaytay police chief Lt. Col. Norman Ranon na hindi muna nila pina-ngalanan ang mga nasawi dahil hindi pa ito naipapaalam sa kanilang mga pamilya.
Ang dalawang nakaligtas ay kinilalang sina Marco Paulo Abarientos, engineer, at construction worker na si Nino Villasquez.
Sa ulat mula sa Cavite police, nangyari ang insidente sa construction site sa nasabing barangay ganap na alas-6:20 ng gabi.
Sa imbestigasyon na ang mga biktima ay nagpapahinga sa kanilang barracks nang gumuho ang pader ng Hortaleza Farm dahil sa lakas ng ulan.
Sinabi pa ni Abarientos na ang pader ay nasa 30 talampakan ang taas na kung saan ang construction works ng bahay ay nagsimula noong Mayo 16.
“Isang kasama nasa labas sa gilid ng pader sumigaw na babagsak kaya tumakbo kaming tatlo,” wika ni Abarientos.
Ayon naman kay Monreal na magsasagawa sila ng imbestigasyon upang madetermina kung may pananagutan ang may-ari ng Hortaleza Farm sa nasabing insidente. - Nina Cristina Timbang at Doris Franche