MANILA, Philippines — Sayang na sayang kung mawawalan ng bisa ang P1,000 polymer bills kung may lukot, natupi o nasira ito.
Ito ang inihayag ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda (2nd District Albay) na pinalilinaw kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla ang problema sa bagong P1,000 polymer bills.
Ayon kay Salceda, dapat mag-isyu ng panuntunan o alituntunin si BSP Governor Medalla sa pagtanggap ng may pinsala, natupi o nasirang P 1,000 polymer bills sa mga establisimentong pang negosyo at maging sa mga konsumer na maaapektuhan nito.
Ang komite ni Salceda ang siyang sumisilip sa tax policy gayundin sa mga monetary at pinansyal na ugnayan sa pambansang pamahalaan.
Gayunman, ang kakulangan ng panuntunan ay lumilikha ng kalituhan sa pagtanggap ng mga establisimentong pang-negosyo sa polymer bills sa kanilang cash transakyon.
Ipinunto ni Salceda sa pagkakaintindi niya ang lumang P1,000 peso bill kahit natupi at may pinsala ay napapalitan pa sa bangko at sa BSP, pero sa bagong P1,000 polymer bills ay wala na itong bisa na hindi na mapapakinabangan.
Inihayag pa ng solon na problema rin ang pagbabawal sa pagtupi ng nasabing bagong bill na mas sensitibo .
Ayon sa Kongresista dapat mag-isyu ng panuntunan sa lalong madaling panahon si Medalla.
Nakatakda namang makipagpulong si Salceda sa BSP sa isyu ng polymerizarion ng mga bills at maging sa epekto nito sa sektor ng abaca.